Miyerkules, Setyembre 6, 2017

Ang Bagong Normal

 Paano matututunan ng aking anak na sagrado ang bawat buhay, na kailangan pahalagahan ang mga  puno, na huwag manakit (kahit pa ng kulisap) kung kaliwa't kanan, araw-araw ay may pinapaslang (pati ang mga walang muwang)?

 Anong kamalayan ang mahuhubog ng karahasan, ng pagyurak sa ating karapatan?




Mahigit isang taon na mula noong nagpasya akong bumalik sa pagtuturo. Para akong isang tauhan sa kuwento na may misteryong kailangan lutasin, isang bida na may mahalagang misyon.



Pero kung dati, ako'y puno ng pag-asa, ngayon ay umaapaw ang takot, galit at dalamhati. Hindi ko na alam ang gagawin.

Hindi ko na alam ang gagawin.

Dahil sa bawat araw na nadadagdagan ang bilang ng namamatay, ang bawat taong pinaslang ay nagiging isang bilang na lamang. Sa bawat araw na hinahayaan natin ang ganitong karahasan, ito na ang magiging bagong normal.

"Akusahan n’yo na salarin
At husgahan n’yo at barilin
Kapag malakas
Kapag may basbas
Labag sa batas ay normal

Yun na ngayon (3x)
Ang sa Pinas ang normal

O bayan kong minamahal
Liping magigiting at banal
Purihin ang Poong Maykapal
Sa mga napiling pusakal"

-Normal ni Gary Granada

Ang larawan ng aking anak ay kinuha sa Haraya Bar and Artspace kung saan itinanghal ng grupong Makising ang EjaKulated exhibit. Kabilang sa mga paintings ay ang proyekto ng aking mga estudyante noong nakaraang taon matapos namin pag-usapan sa klase ang extrajudicial killings.