Lunes, Mayo 9, 2016

Paumanhin, Anak



Naiiyak ako.


Hindi ko akalain na ganito ang magiging epekto sakin ng eleksiyon na ito. Siguro dahil nanay na ako. Ibang usapan na kasi kapag iniisip mo ang kinabukasan ng iyong supling.  Kung dati, puwede mong isangtabi, kalimutan o di pansinin ang anumang sisira ng araw mo o ang anim na taon mo, ngayon, hindi na puwede. Hindi na puwede.


Kaya paumanhin anak. Alam ko kulang ang aking mga luha at pagkuyom ng mga palad. Alam ko dapat mas may ginawa pa ako. Kulang ang pagboto. Kulang ang pagsusulat ng mga kuwento. Kulang ang paggamit ng Filipino. Kulang ang pananatili  sa ating bansa. Kulang ang pagmamahal na walang kaakibat na paggawa.


Kaya magtuturo ulit ako. Kahit anong taon pa yan. Magtuturo ako dahil ang guro, may kakayanan na magbigay ng mga pagpipilian. Dapat alam ng mga kabataan na may pagpipilian sila. Dapat alam ng mga bata na puwede silang matuto ng kahit ano, na malaya silang ipahayag ang kanilang saloobin at kaya nilang mag-isip para sa kanilang sarili. Ang  mga guro sa loob ng klasrum ay may kapangyarihan na ibalik ang panahon, upang malaman ng mga mag-aaral ang ating istorya. At mula sa ating kasaysayan nawa’y mahanap nila ang sariling landas, maging mapanuri sa kanilang mga pasya upang sila na mismo ang huhubog sa Pilipinas na inaasam ko.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento