Manunulat at guro din ako, kaya habang pinapanood ko ang paglaki ng aking anak, di maiiwasang i-document at suriin ang mga milestones. Lalo na sa language developement. Kumbaga, tsumo-Chomsky ako.
Pero siyempre, ang mga observations na ito ay para maaliw ang anak ko balang araw. Tatlong taon pa lamang siya pero matatas na magsalita. Filipino ang una naming wika sa bahay. Madalas rin niyang marining ang ilang Ilocano, Hapon at Ingles na mga salita.
Gumawa ako ng tala ng mga salitang hindi nya mabigkas nang tama, hindi para pag-aralan kung bakit. Napaka-kyut lang talaga ng kanyang bigkas at kasalanan na hindi ito itala. Ang mga salitang ito rin ang nagpapahiwatig kung ano ang pinagkakaabalahan niya sa panahong ito, ang tag-init ng 2017.
Bigkas (Salita) Gamit sa Pangungusap (actual na gamit niya)
Lilipap (lollipop) -- Gusto ko ng lilipap!
Peh-lay (Reply 1988, isang Koreanovela) --Nood tayo ng Peh-lay, nanay.
Simpol (swimming pool) – Pupunta ako sa simpol.
Swimswimsuot (swimsuit) –Yung swimswimsuot ko nasa Ilocos?
Pari (pinagsamang parang at kunwari) –Pari, bata ko ito (refering to a small towel).
Beh lang! (Joke lang!) –Ayaw kong magbike. Beh lang!
Hangkol (alcohol, yung pinapahid) –Ayaw kong maghugas, hangkol nalang.
Tawis (pawis) – Tawis na ako, nanay!
Kulintas (tirintas, sa buhok) –Gusto ko yung kulintas-kulintas, parang kay Umi.
Fah-layt (flashlight) –May fah-layt na bigay sa akin si lola, di ba nanay?
Fah-tick (chopstick) –Marunong na ako magfah-tick!
|
Si Liit at ang kanyang Fah-tick |
Tambo (takbo) - Tito Bong, Kuya Tet, Kuya Gab tambo-tambo tayo!
Bort (boat) - Sakay tayo sa bort na malaki!
Ka-wan (pakwan) - Nakakain ang ka-wan.
Sa-tol (santol) - Maasim yung sa-tol.
Pansi (kalamansi) –
tignan ang susunod na pangungusap
Hani (honey) –Gusto ko ng pansi juice na may hani.
Godort (glow-in-the-dark) –Pag-uuwi tayo sa Ilocos sa October, isususot ko yung godort.
Atsa (kutsara) –
tignan ang susunod na pangungusap
Tididor (tinidor) -- May asta at tididor ang higante, no? (referring to those huge house decor spoon and fork)
Napay (tinapay)--
tignan ang susunod na pangungusap
Papingi (pahingi) –Papingi ng napay, tatay.
Papinga (pahinga) – Ano nga yung kanta? Yung papinga at laro? (kanta ni Gary Granada)
Abunes (butones) –Ayaw ko sa abunes na mata (referring to the other mother in Coraline)
Asyan (sasakyan)—Pag may asyan, tatabi ako.
Mashap (masarap) –Mashap ang ulam!
Aputer (computer) –Si tatay, nag-apuputer nanaman.
A-fon (celphone) --
tignan ang susunod na pangungusap
Kasino (kanino) – Kasino itong a-fon? Kay lolo?
Gewin (penguin) –Tatay, gewin tayo!
Sikel (tricycle) – Pag pupunta tayo sa Ilocos, sasakay tayo ng sikel, tapos bus?
Kosme (excuse me!) –Nanay, kosme! Tingin ka sa akin.
Kadiri (daliri) –Sampung mga kadiri (singing)
Naramadan (nararamdaman) --Malamig nga, naramadan ko nga.
Hindi
nagtatapos diyan ang masayang listahan. Siguradong may nakaligtaan
akong mga salita. Napakahilig niyang maglagay ng impit sa pangalawang
pantig ng salita. At lohikal ang pagdugtong niya ng mga salita katulad nung "kasino" para sa kanino. Napick-up din niya ang pag-uulit ng unang pantig ng salita katulad dun sa "apuputer."At madalas, trending kasi ginagaya siya ng kanyang mga pinsan, lahat
sila pag nagbibiro, ang sambit ay “Beh lang!”
Minsan, kami
mismong mga magulang ay hindi siya maintindihan pero kung tatanungin
siya at makikinig kaming mabuti, magliliwanag ang mundo.
Halimbawa,
kumakain kami sa hapag kainan at sabi nya, “May asta na bigay sa kanya.”
Kaytagal namin bago na-gets. Nagtanong kami “Anong kulay?” “Nakakain ba
ito?” Maiyak-iyak siya sa frustration hanggang nakuha rin namin—KUTSARA
pala ang ibig niyang sabihin!
Isang araw, panay ang ungot niya sa
akin na gusto niya isuot ang godort. Hala! Ano yung godort? Iyon pala
ang glow-in-the-dark niyang pantulog. Hahaha!
Ano ang aking
take-away sa karanasang ito? Makinig po sa maliliit na bata. May
sariling isip at estilo na sila sa pagproseso ng mga bagay-bagay upang
maintindihan nila ang napakalawak na daigdig.