Martes, Mayo 16, 2017

Happy Nanay Araw-Araw (Para Kay Linnaaw)




Masaya ka ba, Nanay?

Maliban sa kaliwa’t kanan na mga BAKIT, madalas mong tanungin sakin kung masaya ako. Malimit, natitigilan ako at ngiti nalang ang naisasagot sa iyo. 

Napakakumplikado kasi ng tanong mo anak at ayaw kong magsinungaling sa iyo (halimbawa, habang di pa rin ipinapatupad ang RH Law, maraming nabibiktima ng karahasan, at patuloy na kinakalbo ang mga bundok, parang di lubusan ang aking kasiyahan).

Ang galing pa ng timing mo, tatanungin mo ako nito kapag nagmamadali tayo at hinahanap ko ang susi ko. O di kaya ay pagod.  O habang pinagsasabihan kita kasi may ginawa ka na kabilinbilinan kong huwag gawin dahil ikapapahamak mo.

Hay.

Paano ba? Ang scripted na sagot  ko ay “Basta kasama kita, anak, masaya ako.” Totoo ito. Pero ako ay tao rin na nalulungkot, nagagalit at nangangailangan ng “peys” (ang bigkas mo sa “space”). Nakikita mo ang mga mukha na ito dahil palagi kitang kasama. Kaya nga siguro tinatanong mo ako kasi kapag naiinis, natataranta— nabubura ang ngiti sa mga mata at sa labi ko. Na hinahanap-hanap mo.

Parang imposible naman maging masaya palagi. Pero sigurado ako, araw-araw, hindi man bawat sandali, napapangiti at napapahagalpak kami ng tatay mo dahil sa galak. Dahil sa iyo. 

Alam kong may mga araw na pakiramdam ko, sana laro-lang lang lahat. Bahay-bahayan lang, kunwari  isa akong bata, ikaw ay manyika. At puwede akong tumigil nalang basta, anumang oras. 

Pero anak, mas madaming araw na gusto kong maglaro habang panahon, kasama ka.

Pag tahimik ang isip ko at pinagmamasdan kita, tinitimbang kung gaano kita kamahal, kung gaano kalaki ang bahagi mo sa puso ko, hindi ako makahinga. Dahil ikaw ang aking mundo, ang aking kalawakan. 

Hindi ko alam kung ako ay mabuting nanay. Maagang pumanaw ang ina ko (limang taon lang ako noon, wala nang maalala ngayon maging boses niya). Bagama’t wala siya para magturo sa akin kung paano ang pag-aruga sa iyo, marami naman ang nagpakita sa aking kung paano magmahal. Pagmamahal na ipinadama sakin sa iba’t ibang paraan.

Ang mga awit at mga kuwento nina lolalola Patring at Udin.
Ang mga sakripisyo ng lolo Pery mo para mapabuti ang buhay naming magkakapatid, at lumaki kaming may sariling isip at kayang alagaan ang sarili.
Ang pag-intindi at  suporta ng lola Del mo (wala ring kapantay ang macaroni salad, maja blanca at spaghetti niya!)
Ang mga mapagpalayang usapan namin ng tito Jong mo.
Ang mga biro ng tito Bong mo (Siya rin ang pinakabilib sakin. Hehe).
Ang mga byahe namin ng tita Ning mo at walang puknat na pagtatanggol niya sa akin.
Ang pagturo ni tito Nino mo sa akin na magbisikleta, maghanap ng gagamba at umakyat sa mga puno.
Ang mga yakap at halik ng mga pinsan mo na sina Kuya Jj, Ate Rein, Kuya Tet, Kuya Gab, Kuya Eytan, at Kuya Migo.
Ang pamilya nina Ate Anabelle, Tita Espie at Tita Marits, para sa pagpapakita sakin kung ano ang dapat laman ng isang tahanan—halakhak, diskusyon at mga pusa!
Ang mga kaibigan ko, na nagpapaalala sa akin na makulay ang mundo at kay dami pang kakaibang karanasan na naghihintay sa atin.
Ang mga kamag-anak na laging nakakaalala at tagapag-alaga ng mga alalala ng aking kabataan.
Ang aking mga guro na nagpakita sa akin ng salamangka ng mga salita, ng kapangyarihan ng mga libro. 
Ang mga naging estudyante ko na nagpakita sa akin ng galak ng laro at nagturo sakin kung paano maging mas mahinahon.
Ang mga paborito kong manunulat na nagluwal ng mga kwentong nagpayabong sa aking kamalayan.
Ang mga lambing (at
cariño brutal) nina Rainrain, Pirtik at Sibo. Pati na rin nina Yoda, Yuki, Bibimbap, Putot, at Twin.
At ang aking Irog, na ang tingin sa akin ay isang diyosa. Haha. Na laging pinapauna ako sa mga bagong aklat, nagpapatawa sa akin, ipinagluluto ako at kadugtungan ko sa mga kantang gawa-gawa.

Ang pagmamahal na ito ay baon ko araw-araw.  Sana maipadama ko ito sa iyo bawat minuto ng buhay mo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento